A review by theengineerisreading
Ang Bangin sa Ilalim ng Ating mga Paa by Ronaldo S. Vivo Jr.

5.0

Wasak kung wasak ang imahe ng reyalidad sa nobelang ito ni Ronaldo Vivo, Jr. Hindi niya yata alam ang salitang kabig dahil dire-diretso ang pagbulusok ng kwento hanggang sa rurok. Makapigil-hininga ang bawat eksena at kaabang-abang ang mga susunod na mangyayari.

Alam mo yung pelikulang Taken? Isipin mo yung plot noon pero ang kwento ay ginanap sa Pilipinas ngayon at syempre, mga Pilipino ang karakter.

Iyon ang pinakanagustuhan ko sa Bangin, kung paano naging balanse ang pagkakabuo sa Pilipinas bilang Pilipinas - punong-puno ng mga mamamayang Pilipinong kumakayod para mairaos ang araw-araw na buhay habang ang mga makapangyarihan at naghaharing-uri ay patuloy sa pagpapakasasa.

Simple lang ang daloy ng kwento pero hitik sa detalye at komentaryo na siguradong mauunawaan mo bilang isang Pilipino. Kung tutuusin, halos nasakop ng nobela ang representasyon ng bawat klase o uri sa mga karakter na nakasalamuha ni Rey Ventura sa kwento. Mula sa mga manggagawang Pilipino hanggang sa mga petiburgesya at mga pekeng naghaharing-uri, hindi tinipid ni Vivo Jr. ang mga mambabasa sa aspetong ito.

Hindi rin matatawaran ang core plot ng Bangin. Mahusay ang pagkakalahad kung ano at paano nalusutan ni Rey Ventura ang masikip at nakakasulasok na pasikot-sikot ng lipunan sa Pilipinas para matukoy kung nasaan ang anak niyang si Alison. Simpleng contrast sa pagitan ng pagmamahal ng ama laban sa ganid na daigdig kaya tagos hanggang buto ang appeal ng kwento sa akin.

Sa huli, pinakagusto ko ang matalinong pagsusulsi ng lahat ng nabanggit ko sa taas para maipakita ang mas malaking larawan na hindi lang si Rey Ventura ang may problema. ACAB, bwisit na bwisit ako sa mga nakatsapa habang binabasa ko ang Bangin at lalong naging solido ang aking paniniwala hindi lang dahil sa librong ito kundi dahil na rin sa mga naririnig, napapanood, at nababasa ko sa araw-araw.

Noir pala ang tawag sa ganitong uri ng paglalahad ng kwento - makatotohanan, masalimuot, at walang filter filter. Noirce one! 5stars.